Photo courtesy of Quezon City Police District (QCPD)
Umabot sa 373 indibidwal ang nasita sa isinagawang citywide Oplan Galugad/Bulabog/Sita ng Quezon City Police District (QCPD) nitong linggo, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa kriminalidad at pagpapatupad ng mga ordinansa sa lungsod.
Isinagawa ang operasyon nang sabay-sabay sa lahat ng police stations sa Quezon City, katuwang ang mga barangay, Barangay Public Safety Officers (BPSOs), Task Force Disiplina, at mga traffic enforcer.
Sa kabuuang bilang, 306 ang binalaan habang 67 ang pinatawan ng citation tickets dahil sa paglabag sa iba’t ibang ordinansa.
Kabilang sa mga naitalang paglabag ang paninigarilyo at pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, sobrang lakas ng videoke, paglabas sa publiko na hindi angkop ang kasuotan, at paglabag ng mga menor de edad sa curfew.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, bahagi ang Oplan Galugad/Bulabog/Sita ng mga hakbang ng pulisya para mapigilan ang krimen, mapanatili ang disiplina sa komunidad, at matiyak ang kaligtasan ng publiko.