Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang buong suporta sa Naga City Sidewalk and Active Transport Project, isang inisyatibong naglalayong gawing mas ligtas, maginhawa, at nakasentro sa mga pedestrian at komyuter ang mga lansangan sa lungsod.
Target ng nasabing proyekto na maging isang pambansang modelo para sa iba pang mga urban area sa Pilipinas pagdating sa pagpapaunlad ng active mobility o alternatibong sistema ng transportasyon.
Modernisasyon sa MT. Villanueva Avenue
Ayon kay Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, sisimulan na ngayong buwan ang malawakang road upgrade sa kahabaan ng MT. Villanueva Avenue. Ang nasabing kalsada ay kilala bilang isa sa mga pangunahing traffic chokepoint sa Naga na may makikitid at mainit na bangketa.
Sa ilalim ng disenyo ng Lungsod ng Naga, babaguhin ang mukha ng lansangan sa pamamagitan ng mga sumusunod na pasilidad:
- Mas malawak at walang hadlang na mga sidewalk (obstruction-free sidewalks)
- Dedicated bike lanes para sa mga siklista
- Pagtatanim ng mga puno at paglalagay ng solar streetlights
- Tactile pavements at accessible curb ramps para sa mga Persons with Disabilities (PWDs)
- Mga lay-by at modernong waiting sheds para sa mga komyuter
Mula Larawan Tungo sa Katotohanan
Ibinahagi ni Secretary Dizon ang naging positibong reaksyon ng Pangulo nang makita ang planong inihanda ng lokal na pamahalaan.
“Noong pinakita ko kay PBBM po ‘yung plano niyo, tuwang-tuwa siya, sabi niya: ‘We’ll give all-out support to this.’ Sinunod natin as-is ‘yung plano ng City of Naga. [‘Yung] active mobility towards the end of this year, magkakatotoo na, hindi na lang picture ‘yan,” pahayag ni Secretary Dizon kay Naga City Mayor Leni Robredo sa kanyang muling pagbisita sa lungsod.
Dahil sa pag-apruba ng pambansang pamahalaan sa orihinal na disenyo ng lungsod, inaasahang bago matapos ang taon ay mararamdaman na ng mga Nagueño ang mas ligtas at maayos na daloy ng trapiko at masiglang kultura ng paglalakad at pagbibisikleta.