Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Nagsimula na ngayong alas-8 ng umaga ang pamamahagi ng UPLIFT Assistance para sa Group 2 beneficiaries sa ilang bahagi ng bansa.
Kabilang sa venue na nagkaroon ng payout ang Opao Gym sa Barangay Opao, Mandaue City, Cebu, kung saan tumatanggap ang mga benepisyaryo ng ₱2,000 cash assistance bilang karagdagang suporta sa gitna ng idineklarang energy emergency.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kasabay ring nagsimula ang payout sa Tacloban City, Ormoc City, Leyte, Calbayog City, Samar, at Davao Occidental.
May nakatakda rin ngayong payout sa Mandaluyong City, Pateros, at Makati City.
Ang mga benepisyaryo ay natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Economy, Planning, and Development (DepDev). Kabilang dito ang mga poor at near-poor households na hanggang 25% sa itaas ng poverty threshold at hindi kabilang sa 4Ps at Walang Gutom Program.
Ipinatutupad ang UPLIFT Assistance sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., para makatulong na mapanatili ang purchasing power ng mga pamilyang higit na nangangailangan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.