Photo courtesy of Harry Potter A Yule Ball Celebration
Filipino Potterheads, oras na para ilabas ang inyong dress robes at wizard hats!
Ang isa sa pinakahihintay na Harry Potter experiences sa mundo ay darating na sa Pilipinas matapos ianunsyo ng GMG Productions na sa kauna-unahang pagkakataon, ang Harry Potter: A Yule Ball Celebration ay gaganapin sa Pilipinas sa September 3, 2026 sa The Space at Solaire sa Parañaque City.
Ang naturang event ay kasabay din ng pagdiriwang ng 25th anniversary ng unang Harry Potter film, kaya mas espesyal ang pagdating nito para sa mga Filipino Potterhead.
Hatid ng Warner Bros. Discovery Global Themed Entertainment at Fever, sa pakikipagtulungan ng GMG Productions, ang halos dalawang oras na immersive experience ay magbibigay-buhay sa Yule Ball ng Hogwarts.

Sa pagpasok pa lamang sa venue, sasalubong ang isang winter-inspired ballroom na may nakabiting chandeliers, Christmas trees, at mga dekorasyong tila hinango mula sa Wizarding World.
Tampok sa programa ang live performances, Champions Waltz, dance competition, fashion parade, photo opportunities, at iba pang interactive activities na pangungunahan ng Masters of Ceremony at Hogwarts House Representatives.
Mayroon ding Yule Ball Market para sa opisyal na Harry Potter merchandise, themed food, at signature drinks.
Bagama’t hindi required, hinihikayat ang mga bisita na magsuot ng Yule Ball o Wizarding World formal attire upang mas maging bahagi ng selebrasyon.
Magsisimula ang general public ticket selling sa July 21, 2026 sa TicketWorld na nagkakahalagang ₱2,750 para sa General Admission, ₱1,500 para sa mga batang edad 4 hanggang 10 sa Family Sessions, ₱9,000 para sa 4-Ticket Bundle, ₱2,200 para sa Senior Citizen at PWD tickets, at ₱4,250 para sa VIP tickets.
Kasama sa VIP package ang isang food and beverage item, 10-minute early access sa pre-show area, complimentary photo print, exclusive VIP lanyard, at special merchandise item.
Inaasahan na magiging isa ito sa pinakamalaking Harry Potter fan events na gaganapin sa Pilipinas. Kaya para sa mga matagal nang naghihintay ng kanilang Hogwarts invitation, ito na ang pagkakataong maranasan ang mahika ng Yule Ball.