Sinabi ni Legal Spokesperson Jay Tolosa na ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte ang malakas niyang depensa upang pasinungalingan ang mga alegasyon na ‘unexplained wealth’.
Paraan din ito aniya na patunayang mali ang mga ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa kanyang kayamanan.
Ito ang mga dahilan aniya para pumayag ang kampo ng Pangalawang Pangulo na buksan sa publiko ang kanyang bangko at tax records.
Sinabi ni Tolosa na ang mga mismong dokumentong hinaharangan ng depensa ang siyang magbibigay ng pinakamalinaw na patunay kung tugma ba ang yaman ng Bise Presidente sa kanyang mga idineklara sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Nilinaw rin ni Tolosa na hindi humihingi ang prosekusyon ng pangkalahatang pagsisiyasat o “general inquiry” sa lahat ng bank accounts ni Duterte.
Sa halip, partikular nitong hinihiling sa Senate impeachment court na mag-subpoena ng account na natukoy na sa mga ulat ng AMLC, kasama ang mga account number at impormasyon ng mga sangay ng bangko.
Inalala ni Tolosa na sa mga nakaraang clarificatory hearing ng House Committee on Justice, kung saan nagpatotoo si AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura na may kabuuang ₱6.7 bilyon na “covered and suspicious transactions” ang dumaan sa mga bank account ni Duterte at ng kanyang asawa mula taong 2005 hanggang 2026.
Nauna nang idinepensa ng kampo ng bise presidente na “pinalaki” lamang ang naturang halaga dahil maaaring kasama rito ang paulit-ulit na deposito, pag-withdraw, o paglilipat ng pondo sa pagitan ng mga sariling bank account ni Duterte.
Ngunit ayon kay Tolosa, ang mismong palusot na ito ang nagpapakita kung bakit lalong mahalagang mabuksan ang mga record.