Nagsisilbing bahay-aklatan na libre para sa lahat ng nais magbasa, magbigay o humingi ng libro ang tahanan ni Hernando Guanlao o mas kilala sa tawag na “Mang Nannie”.
Noong taong 2000, sinimulan ni Mang Nannie ang Reading Club 2000 na nagtatampok ng iba’t ibang aklat mula sa children’s book, textbook, nobela, biographies, spiritual book, at iba pang babasahin.

Sa panayam ng programang School On-the-Air sa Radyo Magasin, ikinuwento ni Mang Nannie kung paano siya nagsimula sa kaniyang adbokasiya na makatulong sa komunidad sa pamamagitan ng pamamahagi ng iba’t ibang aklat.
Aniya, ang mga lumang libro na hindi na napapakinabangan ang naisip niyang panimula para sa kaniyang bahay-aklatan. Umaabot na ngayon sa libo-libong aklat ang matatagpuan sa Reading Club 2000 sa tulong ng mga donasyon mula sa mga bumibisita at nakakakilala kay Mang Nannie.

Nasa 200 libro rin ang araw-araw niyang naipamimigay, at ang karamihan dito ay nakakaabot sa mga eskwelahan at komunidad sa iba’t ibang probinsya, tulad ng Zamboanga, Basilan, at Tawi-Tawi.
Dagdag pa ni Mang Nannie, ipagpapatuloy pa niya ang pagbubukas ng kaniyang tahanan para sa mga nais matuto. Aniya, sa kabila ng kaniyang edad, kakaibang lakas at inspirasyon ang naibibigay sa kaniya ng Reading Club 2000.

Paalala ni Mang Nannie sa mga kabataan, gamitin ang talino at husay sa lahat ng pagkakataon, dahil ang karunungan ang isa sa mga susi sa pag-unlad.
Matatagpuan ang Reading Club 2000 sa 1454 Balagtas Street, Barangay La Paz, Makati City, at bukas ito mula alas-10 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.