Bilang pagtalima sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., makikinabang ang higit 8,000 Bicolano sa pagpapatupad ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na layong magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga pamilyang nangangailangan sa rehiyon.
Batay sa tala ng DSWD Field Office 5, aabot sa 8,055 Bicolano ang makatatanggap ng ayuda sa rehiyon mula July 20 hanggang July 24. Kabilang dito ang 2,354 benepisyaryo sa Albay; 1,960 sa Sorsogon; 1,009 sa Catanduanes; 913 sa Camarines Sur; 900 sa Camarines Norte; at 879 sa Masbate.
Sa ilalim ng UPLIFT Assistance Program, ang mga benepisyaryo mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay makatatanggap ng one-time na ₱2,000 cash assistance.
Samantala, ang mga mahihirap at near-poor households na natukoy sa Community-Based Monitoring System (CBMS), gayundin ang mga kwalipikadong manggagawang may mababang kita na nasa talaan ng Social Security System (SSS), ay makatatanggap ng ₱2,000 kada buwan mula July hanggang December 2026.
Inaasahan ng DSWD na makatutulong ang programa sa pagpapagaan ng gastusin ng libo-libong pamilyang Bicolano sa gitna ng patuloy na hamon sa kabuhayan.
Pinayuhan naman ang mga kwalipikadong benepisyaryo na sundin ang itinakdang iskedyul ng payout sa kani-kanilang lokalidad at ihanda ang mga kinakailangang dokumento upang matiyak ang maayos na pagtanggap ng ayuda.