Ligtas nang nakabalik sa bansa ang nasa apat na Pilipinong Seafarer na tripolante ng M/V GFS Galaxy na inatake ng habang tumatawid sa Strait of Hormuz noong July 12.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), naka-uwi ang mga naturang Pinoy Seafarers sakay ng Emirates Airlines Flight EK336 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 madaling araw kahapon.
Sinalubong sila ng mga kinatawan mula sa DMW gayundin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at binigyan sila ng tulong pinansyal bago sila ibinalik sa kanilang licensed manning agency na JDA Inter-Phil Maritime Services Corporation.
Magugunitang nakaligtas ang mga naturang Pinoy sa naturang pag-atake subalit sinawing palad naman ang Third Engineer ng barko habang sugatan ang Chief Engineer nito.
Pansamantalang nanuluyan ang mga nakaligtas na Pinoy sa Khasab, Oman bago sila ilipat sa Dubai, UAE kung saan sila sinundo ng mga tauhan ng Migrant Workers Office (MWO) para i-uwi sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng DMW na nakikipag-ugnayan na sila sa manning agency ng mga apektadong Pinoy upang tiyaking natatanggap ng mga ito ang mga kinakailangang tulong na dapat ibigay sa kanila.

