Sa nakatakdang pag-arangkada ng pinalawak na UPLIFT Assistance sa ngayong linggo, nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na hintayin muna ang opisyal na abiso bago magtungo sa mga itatalagang payout sites.
Partikular ito para sa manual payout ng unang bugso ng ayuda para sa 2.5 milyong mahihirap at near-poor households.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, makatatanggap ng text message o email ang mga kwalipikadong benepisyaryo. Kaya kung wala pang natatanggap na abiso, hiniling niyang huwag munang pumunta sa payout sites para maiwasan ang kalituhan at pagsisiksikan.
Sa manual payout, bukod sa pamamahagi ng ₱2,000 cash assistance, ibeberipika rin ang impormasyon ng mga benepisyaryo at irerehistro ang kanilang napiling digital bank o e-wallet para sa digital payout mula Agosto hanggang Disyembre.
Kasabay nito, tiniyak ng kalihim na hind galing sa LGU o sinumanh politiko ang listahan ng mga benepisyaryo.
Aniya, natukoy ang listahan sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).