Agad nag-isyu ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) sa may-ari ng isang pribadong sasakyan na bumibiyahe sa inner lane o overtaking lane ng expressway habang nakabukas ang hazard warning lights at gumagamit ng unauthorized red at blue blinkers.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Intelligence and Investigation Division (IID), mabilis na natukoy ang pagkakakilanlan ng rehistradong may-ari at itinalagang driver ng naturang sasakyan.
Inatasan ang rehistradong may-ari at ang itinalagang driver na humarap sa tanggapan ng IID sa itinakdang pagdinig para magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga kasong Reckless Driving, Motor Unauthorized/Unlawful Use of Blinkers, at Failure to Give Proper Signal, gayundin kung bakit hindi dapat ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle ang driver.
Pinasusuko rin dito ang lahat ng unauthorized accessories, kabilang ang mga unauthorized red at blue blinkers.
Bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon, isasailalim sa 90-araw na preventive suspension ang driver’s license ng itinalagang driver at inilagay na rin sa alarm status ang naturang sasakyan.