Naaalarma ang digital advocacy group na Digital Pinoys sa lumalawak na paggamit ng celebrity sa social media giveaways para mag-promote ng online gambling platforms.
Kasunod ito ng nag-trending na iPhone raffle promotion ng isang kilalang celebrity at social media influencer kung saan kailangan lang na i-follow ang page ng isang online gambling platform.
Ayon kay Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustilo, ang ganitong uri ng promosyon ay may “predatory marketing characteristics” dahil hinihikayat nitong sundan ng publiko ang gambling page kapalit ng pagkakataong manalo ng mamahaling premyo.
Aniya, nagiging daan ito para mabilis na mapalawak ang audience ng online gambling operators, kabilang ang posibleng exposure ng mga menor de edad.
Dahil dito, nanawagan ang Digital Pinoys sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa mga social media platforms tulad ng Meta na suriin kung naaayon sa responsible advertising standards ang mga promotional campaign na nag-uudyok sa publiko na makipag-ugnayan sa gambling-related pages kapalit ng malalaking premyo.
“We are calling for responsible marketing. Promotional campaigns should not incentivize the rapid expansion of gambling audiences through unrelated, high-value prizes that appeal to the general public, especially young people. Social media platforms should ensure that they do not become vehicles for aggressive gambling promotion disguised as entertainment or giveaways. Consumer protection must remain at the center of digital advertising policies.”