Dumating na sa bansa ang halos kalahating milyong bote ng anti-retroviral (ARV) na gamot para sa Persons Living with HIV (PLHIV) na binili ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y sa kabila ng pagkaantala dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Department of Health (DOH), naaprubahan na para sa agarang pamamahagi sa susunod na linggo ang unang batch ng mga gamot na binubuo ng 455,000 bote ng LTD (Lamivudine+Tenofovir+Dolutegravir) matapos itong sumailalim sa mahigpit na quality inspection.
Ang batch na ito ang unang bahagi ng inaasahang 1.2 milyong HIV-ARV na nabili ng DOH at nakatakdang dumating hanggang Setyembre.
Para naman sa LoveYourself Inc., isang non-government organization na nagsusulong ng adbokasiya laban sa HIV/AIDS, isa itong mahalagang hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na gamutan para sa libo-libong Pilipinong umaasa sa HIV medication.
Nagpasalamat din ang grupo kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagtugon sa kanilang mga panawagan hinggil sa kakulangan ng HIV commodities, gayundin sa bagong talagang si DOH Secretary Jose Brix Pujalte Jr.
Umaasa ang grupo na ang pagdating ng mga gamot ang magiging simula ng mas matatag at mas maaasahang procurement at distribution system para sa HIV commodities sa buong bansa.