Photo courtesy of Department of Agriculture (DA)
Itinatayo na ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) ang ₱96.7 milyong ice plant sa Bulan Fish Port Complex sa Sorsogon.
Kapag natapos ang proyekto, inaasahang mababawasan ang pagkasira ng huling isda at mapapalakas ang food security.
Ininspeksiyon nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at PFDA Acting General Manager Glen Pangapalan ang proyekto, nitong Lunes.
Matatagpuan ang fish port sa timog-kanlurang bahagi ng Luzon at nagsisilbing mahalagang daanan ng mga sasakyang pangisda mula sa Bicol, Eastern Visayas, Northern Samar, Masbate, Leyte at mga karatig na lalawigan.
May kakayahan ang pasilidad na gumawa ng 60 metric tons ng yelo o katumbas ng 1,200 bloke kada araw na magsisilbi sa mga mangingisda, fish traders at iba pang gumagamit ng pantalan.
Ayon sa Department of Agriculture, makatutulong ang proyekto sa pagpapanatili ng kalidad ng isda, pagpapataas ng kita ng mga mangingisda, at pagpapalakas ng fisheries sector sa Bicol Region.