Umaasa ang House prosecution panel na papaboran ng Senate Impeachment Court ang kanilang hiling na ma-subpoena ang mga bank records ni VP Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., legal spokesperson ng House prosecution, kinikilala ng batas at jurisprudence ang impeachment bilang eksepsiyon sa bank secrecy rules.
Aniya, matibay ang legal na batayan ng kanilang hiling at may pinagbabatayan ding naunang kaso, tulad ng impeachment trial ng yumaong Chief Justice Renato Corona.
Idinagdag pa niya na ang mga rekord na hawak ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay hindi “absolutely confidential,” dahil maaari pa itong ibahagi ng ahensya sa mga dayuhang counterpart nito sa ilang partikular na pagkakataon.
Nilinaw naman ni Tolosa na sakaling tanggihan ng Senado ang subpoena, hindi guguho ang kaso ng prosekusyon sa ilalim ng Article II on unexplained wealth.
Aniya, marami pa silang hawak na ibang dokumento at testimonya ng mga saksi.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na patuloy nilang ipaglalaban na makuha ang mga financial records dahil ito ang pinakapundasyon upang makita ang totoong yaman ng bise presidente.