Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binubuo ng mga Pilipinong seafarer ang nasa 70 porsyento ng mga marinong nagtatrabaho sa bansang Japan.
Ito ang ibinahagi mismo ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Atty. Patricia Yvonne “PY” Caunan sa programang “Global Na Tayo” ng Radyo Pilipinas World Service kaugnay ng kolaborasyon ng ahensya sa International Mariners Management Association of Japan (IMMAJ).
Ani Administrator Caunan, ito mismo ang dahilan kung bakit pinalalakas ng ating pamahalaan ang mga partnership sa mga organisasyong tulad ng IMMAJ, at maging sa mga employer ng mga Pilipinong marino sa Japan.
Ayon pa sa OWWA official, ipinapakita lamang ng komposisyon ng mga mandaragat sa Japan ang laki ng tiwala ng Japanese shipowners sa ating mga kababayan.
Ibinahagi rin ni Administrator Caunan na nagpahayag ng pasasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga Japanese official sa kanyang unang pagbisita sa Japan bilang presidente dahil sa pagtangkilik sa serbisyo ng Filipino seafarers.
Samantala, kabilang sa mga bahagi ng kolaborasyon sa pagitan ng OWWA at ng IMMAJ ang pagpapatibay sa Alagang OWWA Step-Up Program.