Pinapurihan ng Department of National Defense (DND) ang kagitingan at katapangan ng mga miyembro ng Philippine Navy na nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito’y matapos masugatan ang dalawang tauhan ng Navy habang itinataboy nila ang mga tauhan ng China Coast Guard (CCG), na illegal na umaali-aligid sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Sa isang pahayag, nanindigan ang Defense Department na hindi pasisiil ang Pilipinas mula sa mga nagtatangkang sakupin ang bansa sa pamamagitan ng kanilang agresibo at mapanganib na mga hakbang.
Giit ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr, ipinakita lamang ng pamahalaan ng China ang mapang-udyok gayundin ang mapangahas na pag-uugali nito, na lalong nagpapababa sa kanilang kredibilidad at nakababawas ng tiwala sa kanila.
Ipinagwawalang-bahala aniya ng China ang international law kabilang na ang United Nations Convention on the Law of the Sea at ang umiiral na 2016 Arbitral Ruling.
Kaya naman, palalakasin pa ng Pilipinas ang posisyon nito upang ipagtanggol ang bansa, palakasin ang alyansa gayundin ay igiit ang karapatan at soberaniya ng bansa.