Haharap ngayong araw sa Senate Impeachment Court si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag upang tumestigo kaugnay ng mga alegasyon sa Article IV ng Articles of Impeachment laban kay VP Sara Duterte.
Ang Article IV ay patungkol sa mga di umano’y pagbabanta (grave threats) at sedisyon laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Inaasahang sasagutin ni Matibag ang mga katanungan na naiwan ng unang dalawang testigo ng NBI upang kumpletuhin ang presentasyon ng House prosecution panel para sa naturang artikulo.
Inaasahan ng prosecution na ang testimonya ni Matibag ang magiging huling hakbang para sa ebidensya ng pagbabanta.
Umapela din ang House prosecution panel sa senator-judges na itutok ang atensyon sa mismong mga ebidensyang ilalahad ni Matibag.
Binigyang-diin ni Adiong na hindi dapat maihiwalay o madistract ang impeachment court ng mga isyung walang kaugnayan sa nilalaman ng testimonya at imbestigasyon ng NBI.