Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 2.5 milyong poor at near-poor households na kabilang sa Group 2 beneficiaries ng UPLIFT Assistance na maghanda na para sa digital payout na ipatutupad simula Agosto.
Ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian, sa unang beses lang gagawin ang manual payout ng ₱2,000 ngayong Hulyo, pero simula Agosto hanggang Disyembre ay diretso nang ipapasok ang buwanang ₱2,000 ayuda sa kanilang napiling GCash o LANDBANK account.
Kaugnay nito, hinikayat ni DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao ang mga benepisyaryo na i-download at magparehistro sa eGov PH app bago magtungo sa kanilang itinakdang payout site para mapabilis ang enrollment ng kanilang napiling payment channel.
Pinayuhan din ang mga benepisyaryo na magdala ng patunay ng kanilang account. Para sa LANDBANK, kailangang dalhin ang ATM card o passbook na may pangalan ng account holder, habang para sa GCash ay kinakailangang maipakita ang rehistradong account para sa beripikasyon.
Tiniyak ng DSWD na may mga personnel na naka-deploy sa lahat ng payout sites upang tumulong sa verification, enrollment ng payment account, at pamamahagi ng ₱2,000 cash assistance.