Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong Passenger Terminal Building (PTB) ng Port of Lucena ngayong Martes, July 21, 2026 bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng mga pantalan sa bansa.
Kasama ng Pangulo sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago, Quezon Governor Doktora Helen Tan, Vice Governor Anacleto “Third” Alcala III, at Lucena City Mayor Mark Alcala sa pag-iikot sa bagong pasilidad na inaasahang magpapahusay sa karanasan ng mga pasaherong bumibiyahe sa pagitan ng Quezon at mga lalawigan ng MIMAROPA.
Ayon kay PPA General Manager Santiago, nagkakahalaga ang bagong PTB ng ₱153.43 milyon na may kabuuang lawak na 2,962.96 square meters. Nagtatampok aniya ito ng fully air-conditioned pre-departure waiting area na may kapasidad na humigit-kumulang 1,000 pasahero, automated ticketing counters, mas maluwag na concourse area, security inspection area, modernong comfort rooms, mga pasilidad para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs), at solar panel system upang maging mas episyente at environment-friendly ang operasyon ng pantalan.
Ayon kay GM Santiago, layunin ng bagong terminal na mabawasan ang pagsisikip ng mga pasahero at mapabilis ang proseso ng paglalakbay.
Malaki rin ang magiging pakinabang ng bagong terminal sa mga pasaherong naaantala ang biyahe dahil sa masamang panahon o kanselasyon ng mga biyahe. Sa halip na maghintay sa labas ng pantalan, maaari silang manatili sa loob ng maluwag at naka-air-condition na terminal habang hinihintay ang abiso ng kanilang biyahe, na nagbibigay ng mas ligtas at mas komportableng lugar para sa mga pamilya, senior citizen, PWD, at iba pang biyahero.
Kasabay ng modernisasyon ng pantalan, inilipat din ang mga tindahan at vendor sa mas organisadong lokasyon upang mapaluwag ang daloy ng mga pasahero, mapahusay ang seguridad, at mapanatiling maayos ang paligid ng terminal.
Mahalaga ang Port of Lucena bilang pangunahing roll-on/roll-off (RoRo) gateway ng Southern Luzon patungo sa Marinduque, Romblon, Masbate, at iba pang karatig-isla. Noong 2023, nakapagsilbi ito sa mahigit 1.08 milyong pasahero, 220,982 sasakyan, at 1.13 milyong metrikong tonelada ng kargamento.
Sa pamamagitan ng modernong Passenger Terminal Building, inaasahang mas mapapalakas ang turismo, kalakalan, at kabuhayan sa CALABARZON at MIMAROPA, habang nagbibigay ng mas ligtas, mas mabilis, at mas maginhawang paglalakbay para sa milyun-milyong Pilipino.