Binigyang-diin ng Malacañang na walang selective justice sa imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay sa mga sangkot sa flood control anomalies.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, kasunod ng mga alegasyon na hindi pa rin nakakasuhan ang mga sangkot sa korapsyon, isang taon matapos bitiwan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang mga katagang, “Mahiya naman kayo,” noong nakaraang SONA.
Ayon sa opisyal, mayroong umiiral na due process, kaya’t hindi maaaring basta na lamang kasuhan at agad na ikulong ang mga pangalan na lumulutang o naiuugnay sa katiwalian.
Ipinunto ni Castro na mahalaga ang pagkakaroon ng kongkretong ebidensya sa mga alegasyon, upang masigurong tatayo ang kaso sa korte.
Alam aniya ng mga sanay humarap sa korte kung gaano kabusisi ang proseso sa pagbuo ng kaso, hanggang sa pagsasampa ng pormal na reklamo.
Kung tutuusin aniya, mabilis na ang pagkilos ng Ombudsman at ng Department of Justice (DOJ) sa usaping ito.
Kaugnay nito, para sa mga naiinip sa imbestigasyon, mainam, ayon kay Castro na sila na ang magsampa ng kaso sa mga pinaniniwalaan nilang sangkot sa korapsyon sa flood control projects, lalo na kung mayroon silang matibay na ebidensya.