Masayang ibinahagi ni Albay Governor Noel Rosal ang mga naging tagumpay ng kaniyang lalawigan sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan, kasabay ng panawagan para sa transparensiya sa paggamit ng pondo ng bayan at pagpapalakas sa lokal na agrikultura.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, hinihikayat ng gobernador ang mga kapwa niyang opisyal sa pamahalaan na tiyaking may mga konkretong proyekto o “output” na nakikita ang mga mamamayan.
Ayon kay Gov. Rosal, mahalagang makita ng taumbayan kung saan eksaktong napupunta ang kanilang mga ibinabayad na buwis sa pamamagitan ng mga imprastrukturang tulad ng mga paaralan.
Binigyang-diin ng opisyal na marapat lamang na isapubliko ang listahan ng mga proyekto upang matiyak ang pananagutan sa pananalapi.
Ipinahayag niya na ipo-post at ilalantad niya ang lahat ng detalye ng pondo na may kaugnayan sa Department of Education (DepEd) upang malaman ng kaniyang mga kababayan kung paano ito ginugol.
Kaniya pang ipinagmalaki na sa ilalim ng administrasyong Marcos, nakapagtala ang Albay ng karagdagang 20% na pag-unlad o suporta sa sektor ng agrikultura.
Sa huli, buo ang tiwala ng opisyal na ang mga lokal na produkto at makabagong teknolohiyang pansakahan ng Pilipinas ay may sapat na kalidad upang makasabay sa ibang bansa.