Lubos ang nararamdamang pag-asa ni Albay Governor at Bicol Regional Development Council (RDC) Chairperson Noel Rosal na bibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga mahahalagang reporma at pambansang hamon sa kaniyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA).
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, ipinahayag ni Gov. Rosal na tiwala siya sa kakayahan ng pangulo na pakinggan at aksyunan ang mga lokal na pangangailangan ng kaniyang nasasakupan dahil sa malalim nitong ugnayan sa local government units (LGUs).
Ipinagmalaki ng gobernador na humigit-kumulang ₱274-milyon ang naibahagi sa rehiyon upang mapanatili ang mga kritikal na programa ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nasa 25% ng kabuoang populasyon sa Bicol ang aktibong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), tuloy-tuloy ang pamamahagi ng 10 kilong bigas kada buwan sa ilalim ng “Walang Gutom Program”.
Kinumpirma rin ni Gov. Rosal na nagkaroon na sila ng pagpupulong kasama ang pangulo upang talakayin ang pagpapalakas ng Local Government Support Fund (LGSF).
Binigyang-diin din ng opisyal na ang pagpapatatag sa pondo ng mga LGU ang pangunahing susi upang makamit ang inklusibong paglago ng ekonomiya na mararamdaman hanggang sa mga pinakamalayong komunidad.