Ipinauubaya na ng Malacañang sa Senate impeachment court ang usapin ng subpoena para sa pagbubukas ng bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro makaraang aprubahan ng impeachment court ang hiling ng House prosecution na mag-isyu ng subpoena para sa naturang mga record.
Ayon sa opisyal, wala pang natatanggap na kahilingan ang Office of the President (OP) kaugnay ng usapin.
”Mas nararapat sa ating pananaw na ang impeachment court talaga ang mag-isyu ng mga order at mga subpoena considering na ang Pangulo, ang puwesto bilang presidente ay isa rin pong impeachable officer.” — Castro.
Aniya, hindi na makikialam ang Palasyo dito.
Mas nararapat na ang impeachment court ang maglabas ng mga kinakailangang kautusan at subpoena dahil ito ang mayroong mandato na pangasiwaan ang impeachment proceedings.
“At kung halimbawa sa mga susunod na taon, sa mga susunod na administrasyon ay ang pangulo ang mai-impeach, hindi ba uutusan ng impeachment court na ilabas kung kinakailangan ang mga BIR records dahil hindi malamang sasang-ayon ang nasasakdal na pangulo.” — Castro.