Nanawagan ang ASEAN at New Zealand ng mas matibay na pagkakaisa at kolektibong pagkilos upang harapin ang lumalalang geopolitical tensions, climate change, at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa Asya-Pasipiko.
Sa ASEAN Post-Ministerial Conference sa Maynila, sinabi ni Vietnam Foreign Minister Le Hoai Trung na dapat isabuhay ang “kotahitanga,” o ang diwa ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos. Aniya, hindi sapat na tumugon lamang sa mga pagbabago sa mundo. Mahalaga ring maagap na paghandaan ang mga hamon sa pamamagitan ng inobasyon at pagtitiwala sa isa’t isa.
Samantala, binigyang-diin ni New Zealand Foreign Minister Winston Peters na kabilang sa pinakamalalaking hamon sa rehiyon ang artificial intelligence, climate change, at tumitinding geostrategic competition. Ayon sa kaniya, ang matatag na partnership ng ASEAN at New Zealand ang magsisilbing pundasyon ng kooperasyon upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng dalawang rehiyon.
Inaasahan din ng ASEAN at New Zealand na magbubunga ang kanilang Comprehensive Strategic Partnership ng mas kongkretong kooperasyon at pangmatagalang solusyon sa mga hamong kinakaharap ng rehiyon.