Iniulat ni DILG Secretary Jonvic Remulla na patuloy ang operasyon ng Philippine National Police sa pagtugis kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sinabi ni Remulla na aktibong tinutunton ng PNP, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno, ang kinaroroonan ni Dela Rosa ngunit hindi muna niya isiniwalat ang detalye ng operasyon.
Huling nakita si Dela Rosa noong May 14 nang umalis ito sa Senado kasama si Senador Robin Padilla. Mula noon ay hindi na ito muling nakita sa publiko.
Ayon kay Remulla, nahihirapan ang mga awtoridad na matunton sina Dela Rosa at dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag dahil sa kanilang kaalaman sa mga pamamaraan ng pulisya.
Dahil dito, gumagamit na umano ang mga awtoridad ng ibang estratehiya sa operasyon upang madakip ang dalawang opisyal.
Iginiit ni Remulla na magpapatuloy ang pagtugis ng pamahalaan sa mga umiiwas sa batas, nasa loob man o labas ng bansa. | ulat ni Rey Ferrer