Nanawagan ang South Korea ng mas matibay na pagkakaisa sa pagitan ng Republic of Korea at mga kasaping bansa ng ASEAN sa gitna ng lumalalang geopolitical tensions at pagbabago sa pandaigdigang ekonomiya.
Sa ASEAN Post-Ministerial Conference sa Maynila, sinabi ni South Korean Foreign Minister Cho Hyun na walang bansa ang makatitiyak sa sarili nitong kasaganahan at seguridad nang mag-isa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga mapagkakatiwalaang partner, kung saan kinikilala ng South Korea ang ASEAN bilang mahalagang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Kasabay nito, patuloy ang pag-usad ng ASEAN-Republic of Korea Plan of Action 2026 hanggang 2030 na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga layunin ng Comprehensive Strategic Partnership.
Kabilang sa mga prayoridad sa susunod na limang taon ang pagpapalakas ng cybersecurity, digital transition, at creative economy. | ulat ni Ej Lazaro