Iginiit ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pangangailangan na palakasin ng ASEAN ang social protection systems upang maging handa sa mga bagong hamon sa susunod na mga taon.
Sa pagbubukas ng ASEAN High-Level Conference on Social Protection sa Maynila, sinabi ni Gatchalian na kailangang umangkop ang mga programa sa epekto ng climate change, labor disruptions, at iba pang panganib na nakaaapekto sa mga komunidad.
Ayon sa kalihim, 35.7 % lamang ng populasyon sa ASEAN ang sakop ng hindi bababa sa isang social protection benefit, mas mababa sa 47% global average.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mas pinagsamang programa, paggamit ng digital technology, at pagbuo ng mga sistemang mabilis tumugon sa panahon ng krisis.
Binanggit ni Gatchalian na may 105 social protection programs ang Pilipinas ngunit kailangan pang pagbutihin ang koordinasyon at pagtukoy sa mga panganib para mas maging epektibo ang mga ito.
Hinimok ng DSWD chief ang mga bansang ASEAN na bumuo ng people-centered social protection system na magsisilbing pundasyon ng seguridad at katatagan ng mga mamamayan. | ulat ni Rey Ferrer