Pinaalalahanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga pamilya na alamin muna ang rating ng mga pelikula bago magtungo at manood sa sinehan.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, karamihan sa mga pelikulang ipinalalabas ngayong linggo ay may R-13 at R-16 ratings kaya mahalaga ang paggabay ng mga magulang sa mga batang manonood.
Sinabi ng MTRCB na ang G rating ay para sa lahat ng edad, PG ay nangangailangan ng gabay ng magulang o guardian, habang ang R-13, R-16 at R-18 ay may itinakdang limitasyon sa edad ng manonood.
Kabilang sa mga pelikulang may rating ang “I, Object” na rated PG; “Ang Babaeng Walang Pakiramdam,” “Lockbox,” “Tuner,” at “Slumber Party Massacre” na rated R-13; at “Pinocchio Unstrung” na rated R-16.
Ipinaliwanag ni Sotto na may ilang pelikulang naglalaman ng mature themes, horror, krimen, karahasan at iba pang sensitibong paksa na maaaring hindi angkop para sa mas batang manonood.
Hinimok nito ang publiko na sundin ang movie classifications at suportahan ang industriya ng pelikula. | ulat ni Rey Ferrer