Pinagtibay ng Canada ang pangako nitong palakasin ang strategic partnership sa ASEAN, kasabay ng pag-anunsyo ng bagong pondo para sa security, biosecurity, migrant workers, at iba pang programang pangkaunlaran sa ginanap na ASEAN Post-Ministerial Conference with Canada.
Sa pagbubukas ng pulong, sinabi ng mga co-chair na mahalagang pagkakataon ang pagpupulong upang suriin ang progreso ng ugnayan ng ASEAN at Canada at palawakin pa ang kooperasyon sa gitna ng nagbabagong sitwasyong pandaigdig.
Ayon kay Canadian Foreign Affairs Minister Anita Anand, umabot sa humigit-kumulang $52.4 bilyon ang bilateral merchandise trade ng Canada at ASEAN noong nakaraang taon, at target na matapos ngayong taon ang negosasyon para sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement.
Naglaan din ang Canada ng milyon-milyong dolyar para sa biosecurity, paglaban sa money laundering, cybercrime, at proteksyon ng mga bata sa Pilipinas laban sa pananamantala ng mga kriminal at teroristang grupo.
Iginiit ng Canada ang suporta nito sa ASEAN Centrality at sa isang matatag, maunlad, at rules-based Indo-Pacific, habang inaasahang lalo pang lalalim ang kooperasyon ng magkabilang panig sa ekonomiya, seguridad, at napapanatiling kaunlaran.