Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Migrant Workers (DMW) na siguruhing maibibigay ang lahat ng nararapat na tulong sa pamilya ng dalawang Filipino seafarers na nasawi sa pag-atake sa sinasakyan nilang barko sa Northern Black Sea.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, inatasan din ng pangulo si DMW Secretary Hans Cacdac na agad makipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga biktima.
Kasabay nito, iniimbestigahan na aniya ng pamahalaan kung mayroong paglabag ang mga foreign principal o local manning agencies sa mga patakaran para sa kaligtasan ng Filipino seafarers.
Aniya, maaari silang mapatawan ng kaukulang parusa, kabilang ang pagbawi ng kanilang lisensya, kung mapatutunayang mayroong paglabag.
Samantala, good news naman, ayon sa Malacañang ang ligtas na pagdaan ng apat na Philippine-registered vessels sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Castro, patuloy na binabantayan ng DMW ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino seafarer na naglalayag sa mga conflict area.