Inaalala ngayong araw ang ika-75 anibersaryo ng pagsabog ng Bulkang Hibok-Hibok sa Northern Mindanao noong 1951.
Ayon sa DOST-PHIVOLCS, bahagi ng aktibidad ang paglalagay ng isang commemorative marker sa Mambajao, Camiguin.
Inilunsad ang marker kasabay ng Regional Science, Technology, and Innovation Week sa Northern Mindanao.
Layunin nitong parangalan ang mga nasawi at ipaalala ang matinding pinsalang idinulot ng pagsabog na kumitil ng maraming buhay, nagpalikas ng libu-libong residente, at nagpabago sa bahagi ng isla.
Sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na ang trahedya ang naging daan sa pagtatatag ng Commission on Volcanology (COMVOL) noong 1952, na kalaunan ay naging PHIVOLCS.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagmamanman sa bulkan, pagtatasa ng panganib, at paghahanda ng mga komunidad upang mabawasan ang epekto ng pagputok ng bulkan.