Photo courtesy of LANS
Karagatan. Karapatan. Kinabukasan.
Ito ang binigyang-diin ng educational content creator na si Louise Anne Nagal, o mas kilala bilang LANS, sa kaniyang paglalakbay sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea. Higit pa sa isang pagbisita, naging daan ito upang maipakita ang mga kuwento ng mga Pilipinong araw-araw na ipinaglalaban ang ating karagatan, karapatan, at kinabukasan.
Noong July 19, 2026, ibinahagi ni LANS sa kaniyang vlog na isa siya sa mga napiling “Certified Hopecaster” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may misyong maghatid ng pag-asa at kamalayan.
Ang mga Hopecaster ay mga inimbitahang personalidad na bumibisita sa mga komunidad at outpost sa West Philippine Sea upang personal na makita ang kalagayan ng mga sibilyan at mga sundalong nagbabantay sa teritoryo ng bansa. Layunin nilang maibahagi ang mga kuwentong ito sa mas maraming Pilipino sa pamamagitan ng kani-kanilang mga plataporma.
Lumipad ang grupo patungong Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan, bago tuluyang makarating sa Pag-asa Island. Aminado si LANS na naging emosyonal siya sa paglalakbay dahil sa bigat ng responsibilidad na pasan ng mga taong patuloy na nagbabantay at nagtatanggol sa ating karagatan.
Sa kaniyang vlog, ipinaliwanag niya kung bakit mahalagang pangalagaan at ipaglaban ang West Philippine Sea. Hinati niya ito sa tatlong dahilan: karagatan, karapatan, at kinabukasan.
Karagatan
Unang binigyang-diin ni Lans ang kahalagahan ng West Philippine Sea bilang pinagkukunan ng pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino.
Ipinakita niya ang Kalayaan Island Group, ang kabuhayan ng tinatayang 300,000 mangingisdang Pilipino, ang papel nito sa food security ng bansa, at ang yamang langis at natural gas na makukuha sa karagatan.
Isa sa mga nakausap niya si Romeo Malagit, isang mangingisda sa lugar mula pa noong 2016.

Ikinuwento ni Malagit kung paano nagbago ang kanilang kabuhayan matapos dumami ang mga Chinese vessel sa karagatan noong 2017.
“Hirap na kami sa isda dito. Pero kung walang makakapigil diyan, siguro mga ilang taon pa wala nang mahuhuling isda dito,” giit ni Malagit.
Aniya, noon ay halos isang oras lamang ng pangingisda ay marami na silang nahuhuli. Ngayon, kahit limang oras na nasa dagat ay dalawa o kakaunting isda na lamang ang kanilang nahuhuli.
Nagkaroon din ng pagkakataon si LANS na sumakay sa bagong bangka ni Malagit. Doon niya personal na nasaksihan na sa kabila ng hirap ng paghahanapbuhay, patuloy pa ring umaasa ang mga mangingisda na muling makapangisda nang ligtas at malaya sa sarili nilang karagatan.
Karapatan
Mula sa usapin ng kabuhayan, itinampok naman ni LANS ang buhay ng maliit ngunit matatag na komunidad sa Pag-asa Island.
Sa kaniyang pagbisita, personal niyang nasaksihan ang mga dayuhang barkong nakapalibot sa West Philippine Sea.
Nakapanayam din niya si Sir George, isang opisyal ng Local Government Unit ng Munisipalidad ng Kalayaan na nagsisilbi sa komunidad mula pa noong 2013.

Para sa kaniya, mahalagang malaman ng bawat Pilipino na may mga pamilyang patuloy na naninirahan at nagsisilbi sa isla bilang bahagi ng pagpapatibay ng soberanya ng Pilipinas.
“Meron munting komunidad dito na nag-i-strive at tumatayo para sa ating soberanya. At sana suportahan natin sila. Ipakilala pa natin, kahit ‘yung simpleng kwento lang. Ikuwento mo lang sa kaibigan mo o kakilala mo na merong ganitong nag-e-exist na community dito sa heart ng WPS o West Philippine Sea,” mensahe ni George.
Kasabay nito, ipinaalala rin ni LANS ang paggunita ng ika-10 anibersaryo ng Arbitral Award noong July 12. Sa ilalim ng desisyong inilabas noong 2016, idineklara ng Permanent Court of Arbitration na walang legal na batayan ang malawak na nine-dash line claim ng China sa West Philippine Sea. Pinagtibay rin nito ang mga karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone nito alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kinabukasan
Kung ang karagatan ay tungkol sa kabuhayan at ang karapatan ay tungkol sa soberanya, ang kinabukasan naman ay makikita sa mga batang patuloy na nangangarap sa gitna ng dagat.
Humigit-kumulang 150 mag-aaral ang nag-aaral sa nag-iisang paaralan sa Kalayaan, kung saan nagtuturo si Teacher Anna Marie sa mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 10 sa nakalipas na apat na taon.

Para sa kaniya, ang pagtuturo sa Pag-asa Island ay higit pa sa isang propesyon.
“Sabi ko nga sa kanila [mag-aaral], kami ‘yung mga makabagong bayani dito sa Pag-asa [Island] kasi pinaninindigan namin ‘yung aming teritoryo, at hindi namin ito isusuko sa ibang bansa,” mariing giit ni Teacher Anna Marie.
Mulat din aniya ang mga estudyante sa sitwasyon sa West Philippine Sea at tinuturuan silang maging handa sa mga hamong maaaring kaharapin ng kanilang komunidad.
Bukod sa pag-aaral, aktibo rin ang komunidad sa pangangalaga sa mga pawikan bilang bahagi ng konserbasyon ng kalikasan sa isla.
Sa pagtatapos ng kaniyang vlog, nagpasalamat si LANS kay Major Rafael Nobles at sa mga miyembro ng Philippine Air Force, Philippine Navy, Philippine Marine Corps, Philippine Army, at Philippine Coast Guard sa pagkakataong personal niyang masaksihan ang buhay sa Pag-asa Island at ang sakripisyong ginagawa ng mga naglilingkod para sa bansa.
Bahagi si LANS ng Maritime Visit na isinagawa noong July 15, 2026, kung saan 65 military at civilian vloggers ang inimbitahang bumisita sa Pag-asa Island upang personal na makita ang kalagayan sa West Philippine Sea at palakasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa maritime security.
Matapos mag-viral ang kaniyang vlog, nilinaw naman ni AFP Spokesperson Col. Francel Padilla na walang natanggap na anumang financial compensation si LANS para sa kaniyang paglahok sa pagbisita.
“Ang pagmamahal sa bansa ay hindi nabibili,” ani Padilla, habang hinihikayat ang publiko na panoorin at ibahagi ang vlog ni LANS bilang paalala na ang pagtatanggol sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkulin ng mga sundalo kundi responsibilidad ng bawat Pilipino para sa susunod na henerasyon.
Kilala si Lans bilang isang educational content creator na hinahangaan ng milyon-milyong followers dahil sa kaniyang pambungad na “This is LANS!” at sa paggawa ng mga content na pinagsasama ang good vibes at makabuluhang kaalaman.