Buhol-buhol na traffic at perwisyo ang nadatnan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa matagal nang naka tenggang proyekto na Manila-Cavite Road sa Noveleta, Cavite.
Reklamo ng mga residente at motorista na dalawang buwan nang hindi naipagpapatuloy ang proyekto dahil sa pagtuturuan ng lokal na pamahalaan at Maynilad hinggil sa insidente ng pipe leak.
Giit naman ni Sec. Dizon, na hindi katanggap-tanggap ang dahilan na ito kaya naman inatasan na ang DPWH Regional office maging ang contractor sa nasabing proyekto na paspasan na ang pagsasagawa sa nasabing kalsada upang matanggal na ang perwisyong traffic.
Nananatili umano ang utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangang bilisan ang pagta-trabaho ng pamahalaan upang agad na maibigay ang nararapat na serbisyo sa taumbayan.
Inaasahang bago ang pagtatapos ng taon ay matatapos na ang Manila-Cavite Road sa Noveleta, Cavite.