Screengrab courtesy of Kapihan sa Manila Hotel
Bukod sa dagdag sweldo, tinututukan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang usapin sa benepisyo ng mga gig economy workers o riders partikular ang mga nasa public transportation at delivery.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni Labor Secretary Francis Tolentino na sa mga susunod na buwan ay maglalabas ang DOLE ng kautusan para masiguro na nakakatanggap ng benepisyo ang mga rider.
Nabatid na napag-alaman ni Tolentino na ilan sa mga rider ay wala o hindi rehistrado sa Philhealth, Pag-Ibig at SSS na importante sa ilang mga empleyado.
Ito ay bunsod ng kawalan ng pormal na employment status ng mga ito.
Kaya naman nagbabalangkas na aniya sila ng mga panuntunan kung saan aminado ang kalihim na hindi madali at kinakailangan itong pag-aralan para sa kapakanan ng mga rider at ng kumpaniya.
Sinabi pa ni Tolentino, dapat na saklaw ng dagdag sweldo ang mga rider kahit pa ang karamihan sa kanila ay may tinatawag na sideline para magkaroon ng extra kita.
Ang mga rider naman na nakakatanggap ng below minimum wage na sweldo at hindi natutugunan ang mga pangangailangan ay hinihikayat ni Tolentino na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.
Sa huli, muling sinabi ng kalihim na tuloy na tuloy na ang pagpapatupad ng dagdag-sahod kung saan sa July 25 ay unang matatanggap ang dagdag ₱65 habang ang ₱20 naman ay sa pagpasok ng taong 2027.