Screengrab from PCO
Ipinahayag ni U.S. Secretary of State Marco Rubio sa isang pulong nito sa kaniyang counterparts sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na nananatiling bukas ang Estados Unidos sa pakikipag-usap sa Iran sa kabila nang nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Rubio, mas nais ng Washington ang isang diplomatikong solusyon kaysa sa patuloy na komprontasyon ngunit sinabi niyang nakasalalay rin sa Iran ang pag-usad ng negosasyon.
Binigyang-diin niya na handang makilahok ang Estados Unidos sa seryosong negosasyon kung magpapakita rin ang Tehran ng kahandaang makipagkasundo.
Habang mataas ang tensyon sa rehiyon, patuloy ring nagkakaroon ng mga operasyong militar at palitan ng mga pag-atake ang magkabilang panig na mas nagpapalala sa sitwasyon sa rehiyon.
Samantala, nananawagan ang ilang bansang kaalyado at mga tagapamagitan na magkaroon nang agarang tigil-putukan upang maiwasan ang mas malawak na kaguluhan.
Sa kabila ng sitwasyon, iginiit ni Rubio na nananatiling posible ang diplomatikong kasunduan kung magiging bukas ang magkabilang panig para sa isang makabuluhang pag-uusap.