Negatibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu ang dalawang pakete na nakuha sa bag ng isang Grade 9 student sa isang paaralan sa Barangay Banago, Bacolod City.
Ito ang kinumpirma ni Bacolod City Police Office Director Police Colonel Eugene Rebadomia matapos ang isinagawang laboratory examination sa laman ng mga pakete.
Ayon kay Rebadomia, isa sa mga tinitingnang anggulo ng imbestigasyon ay posibleng itinanim lamang ng mga kaklase ang mga pakete para pagtrippan ang estudyante.
Gayunman, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari.
Nilinaw din ng opisyal na itinuturing na biktima ang Grade 9 na estudyante at isasailalim sa psychological intervention at debriefing sa tulong ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Matatandaang unang naiulat na nakumpiska sa bag ng estudyante ang dalawang hininalang pakete sa isinagawang regular na inspeksyon ng mga guwardiya ng paaralan sa exit gate noong tanghali ng Hulyo 20.