Screengrab courtesy of Kapihan sa Manila Bay
Isinusulong ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang paggamit ng public-private partnerships sa pagpapaunlad ng mga reclamation project nang walang direktang gastos sa pamahalaan at karagdagang pasanin sa mga nagbabayad ng buwis.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni PRA Chairperson Alex Lopez na, kabilang sa mga pinangangasiwaang proyekto sa Pasay ang hindi bababa sa 12 tulay, 88 kilometrong kalsada, 40 kilometrong bike lane, 122 kilometrong drainage at underground flood-control system, at 120 kilometrong utility corridor.
Kasama rin aniya sa plano ang 22-kilometrong coastal revetment upang maprotektahan ang mga reclaimed area at karatig na mainland laban sa pagbaha, erosion at malalakas na alon.
Tiniyak din nI Lopez na isasailalim ang mga proyekto sa environmental, technical at regulatory assessment, kabilang ang Cumulative Impact Assessment sa Manila Bay.
Sinabi rin ng PRA na itataas sa apat na metro ang mga reclaimed land bilang paghahanda sa sea-level rise, habang hindi bababa sa limang porsiyento ng bawat proyekto ang ilalaan bilang green space.
Dahil dito at sa iba’t ibang programa ng ahensya, umaasa ito na maabot nila ang target na ₱12 bilyon na taunang ambag sa national government.