Nananatiling normal ang sitwasyon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City sa ikalawang araw ng transport strike ng grupong MANIBELA.
Pasado alas-7 ng umaga, kahit nagsimula na muli ang kilos-protesta ng grupong Manibela sa gilid ng isang gasolinahan sa PHILCOA, tuloy-tuloy ang biyahe ng mga pampasaherong jeep at hindi na rin punuan ang mga ito dahil humupa na ang morning rush hour.
Maging ang libreng sakay ng gobyerno ay tuloy-tuloy din ang pagkuha ng mga pasahero.
Sinabi naman ni Quezon City Traffic and Transport Management Department (TTMD) Chief Dexter Cardenas, na walang naging malaking epekto ang transport strike kahapon sa lungsod dahil karamihan sa mga public utility jeepney (PUJs) ay nagpatuloy sa kanilang mga rutang may prangkisa.
Dagdag niya, walang naparalisang biyahe ng mga jeep sa Quezon City kaya walang naging malaking abala sa mga commuter.
Binigyang-diin din ni Cardenas, na nakahanda ang pamahalaang lungsod sa ano mang posibleng epekto ng transport strike sa pamamagitan ng Q City Bus Libreng Sakay Program at iba pang nakahandang logistical assets para matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.