Inalerto na ng Department of Agriculture (DA) ang mga magsasaka at mangingisda sa banta ng bagyong Kiyapo.
Ayon sa DA, batay sa taya ng PAGASA, kabilang sa inaasahang maapektuhan ng bagyo ang Northern Luzon, kung saan posible ang paglapit o pag-landfall sa Cagayan.
Kaya naman, ngayon pa lang ay inabisuhan na nito ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga palay at mga gulay bago pa maapektuhan ng pag-ulan.
Pinalilinis na rin ang mga irrigation canal para maiwasan ang mga pagbaha.
Maging ang mga mangingisda ay pinayuhan na ring ilikas na rin ang mga bangkang pangisda at ipagpaliban na muna ang pagpapalaot, lalo na sa mga lugar na nakararanas na ng malakas na hangin at alon dahil sa bagyo.