Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na mahigit 5 milyong “unique beneficiaries” o mga indibidwal na benepisyaryo na ang nakinabang mula nang ipatupad ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) o ang Free Higher Education Law.
Tinataya ng tanggapan ni Gatchalian na kabilang sa mga benepisyaryo ang higit 4 milyong nakinabang sa Free Higher Education Program.
Samantala, 1.406 milyon naman ang tinatayang naging benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES).
Sa kabuuan, umabot na sa 5.476 milyong benepisyaryo ang naitala mula 2018 hanggang Academic Year (AY) 2025–2026.
Binigyang-diin ni Gatchalian na sinusuportahan ng 2026 national budget ang mga pagsisikap ng State Universities and Colleges (SUCs) na tugunan ang mga limitasyon sa kanilang kapasidad.
Noong nakaraang taon, pinuna ng senador na hindi nakapag-enroll ang hindi bababa sa 168,493 na mga kwalipikadong mag-aaral.
Noong nanungkulan si Gatchalian bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, dinagdagan ng Senado ng P6.3 bilyon para sa taong ito ang pondo ng SUCs, at P5.2 bilyon sa naturang pigura ay para sa pagtugon sa limitasyon ng enrollment capacity.