Patuloy na pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang hanay ng mga guro at school personnel para sa mas maayos na pagtuturo at operasyon ng mga paaralan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, bawat bagong guro at school personnel ay nangangahulugang mas maraming oras sa pagtuturo, mas maayos na suporta sa mga paaralan, at mas mahusay na serbisyong pang-edukasyon para sa mga mag-aaral.
Sa ilalim ng 2026 budget, magdadagdag ang DepEd ng 32,916 na bagong teaching positions, 11,628 Administrative Officer II, 6,000 School Principal I, at 5,000 Project Development Officer I.
Samantala, sinabi naman ng DepEd na halos kumpleto na nila ang hiring para sa mga posisyong inilaan sa 2025.
Mula sa 20,000 teaching positions na target, nakapag-hire na sila ng 19,320. Mula naman sa 10,000 Administrative Officer positions na target, nakapag-hire na sila ng 9,937.