Target ng ASEAN at China na maisapinal bago matapos ang taon ang negosasyon para sa Code of Conduct sa South China Sea, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro matapos ang 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting sa Maynila.
Sa press conference, sinabi ni Lazaro na nakikita na ang pag-usad ng mga pag-uusap, kabilang ang lumalawak na pagkakasundo sa ilang mahahalagang usapin tulad ng kahulugan ng “self-restraint” at iba pang probisyon ng kasunduan. Aniya, nagsasagawa na ng buwanang negosasyon ang ASEAN at China, na aniya’y nagpapakita ng political will ng magkabilang panig upang maisapinal ang Code of Conduct ngayong taon.
Binigyang-diin din ng kalihim na ang kasunduan ay dapat nakaayon sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, hindi dapat mabawasan ang karapatan ng third parties, at magsisilbing gabay sa maayos na asal at pamamahala sa South China Sea.
Nilinaw rin ni Lazaro na walang probisyon sa umiiral na provisional understanding sa pagitan ng Pilipinas at China na nagbabawal sa pagkukumpuni o konstruksyon sa BRP Sierra Madre, habang nagpapatuloy ang diplomatic efforts para sa mapayapang pamamahala sa West Philippine Sea.