Photo courtesy of DHSUD
Umabot na sa 8,100 low-income at informal settler families ang nabigyan ng seguridad sa pagmamay-ari ng lupang matagal na nilang tinitirhan.
Naging posible ito sa pamamagitan ng pinalawak na Enhanced Community Mortgage Program (ECMP) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Social Housing Finance Corporation (SHFC).
Ayon sa DHSUD, sa unang taon ng programa ay naaprubahan na ang 47 proyekto sa iba’t ibang panig ng bansa, na may kabuuang mahigit P870.6 milyong land acquisition loan assistance.
Sa kasalukuyan, 25 komunidad na ang nabigyan ng land acquisition assistance, na direktang nakinabang ang mahigit 4,000 miyembro ng mga homeowners’ associations.
Ayon kay DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas abot-kamay ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan.