Photo courtesy of House of Representative
Naipasa na ng House of Representatives ang kalahati ng mga priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), bilang patunay ng suporta nito sa legislative agenda ng administrasyon.
Sa isang video statement, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na naaprubahan na ng Kamara ang 26 sa 52 LEDAC priority measures sa First Regular Session ng 20th Congress.
Kabilang dito ang 15 sa 21 panukalang batas na target maipasa bago matapos ang June 2026.
Ayon kay Dy, ipinakikita nito ang seryosong pagtutok ng Kamara sa pagpapatupad ng legislative agenda ng administrasyon.
Kabilang sa mga naipasang panukala ang Right to Information Act, Anti-Political Dynasty Act, mga reporma sa Bank Deposits Secrecy Law, at ang batas na nagpapaliban sa parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Muling tiniyak ng Speaker na magpapatuloy ang Kamara sa pagpasa ng natitira pang mga prayoridad na panukalang batas ng pamahalaan.