Bilang paghahanda sa banta ng Bagyong Kiyapo, pinaigting ng DSWD ang disaster preparedness efforts nito lalo na sa Ilocos at Cagayan Valley Region na inaasahang tutumbukin ng kalamidad.
Ayon sa DSWD, may naka-preposisyon na itong 321,154 family food packs (FFPs), 32,385 ready-to-eat food (RTEF) boxes, at 318,091 non-food items (NFIs) sa mga warehouse ng DSWD sa Ilocos at Cagayan Valley para matiyak ang agarang pagpapadala ng mga ito kung kinakailangan.
Una nang itinaas ng Disaster Response Command Center o DRCC ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang blue alert status sa Bagyong Kiyapo.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang kanilang monitoring at koordinasyon kasama ang mga national agencies, local government units, at Field Offices para matiyak ang maagap at maayos na pagtugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.