Nakabantay na ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng epekto ng Bagyong Kiyapo at habagat sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa pinakahuling pagtaya ng DA, maaaring maapektuhan ng bagyo ang nasa 520,000 ektarya ng pananim sa CAR, Regions 1, 2, 6, at 11.
Kabilang dito ang 251,754 ektarya ng palay at 268,776 ektarya ng mais.
Ayon sa DA, karamihan sa mga taniman ng palay ay nasa vegetative stage o 51.18%, habang 36.48% naman ang nasa seedling stage.
Gayunman, sinabi ng DA na ang mga pag-ulan na dala ng Bagyong Kiyapo ay maaari ring maging kapaki-pakinabang sa sektor ng agrikultura, partikular sa mga lugar na nakararanas ng tuyong kondisyon.
