Pormal nang lumagda ang Sweden, Poland, Romania, at Lithuania sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC), kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng kasunduan. Sa seremonya, muling pinagtibay ng apat na bansa ang kanilang suporta sa kapayapaan, kooperasyon, at rules-based international order.
Sa kanyang talumpati, inihayag ni Swedish Defense Minister Pål Jonson ang buong suporta ng Sweden sa liderato ng ASEAN at nangakong magiging pangmatagalang katuwang sa kalakalan, digital infrastructure, green transition, at iba pang larangan ng kooperasyon.
Samantala, binigyang-diin ni Polish Minister Wojciech Balczun na batay sa karanasan ng Europa, mahalagang igalang ang soberanya, territorial integrity, at mapayapang pagresolba sa mga sigalot upang mapanatili ang pandaigdigang kaayusan.
Para naman kay Romanian Minister Mihai Dimian, ang paglagda sa TAC ay pamumuhunan sa kinabukasan, kung saan mahalaga ang edukasyon, pananaliksik, at palitan ng kaalaman upang mapalalim ang ugnayan ng mga bansa.
Iginiit naman ni Lithuanian Foreign Minister Kęstutis Budrys na may karapatan ang bawat bansa na pumili ng sariling landas ng pag-unlad nang walang pananakot o panghihimasok mula sa ibang estado.
Sa ngayon ay may 62 parties na ang lumagda sa ilalim ng TAC.