Ibinahagi ni Senador Ping Lacson na umabot na sa hindi bababa sa tatlo ang natukoy ng kanyang grupo na mga “bagman” kaugnay ng iniimbestigahang ghost infrastructure projects sa Taguig City.
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na lumalawak na ang kanilang imbestigasyon sa mga proyekto sa lungsod, na kilalang balwarte ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ayon sa senador, una niyang inakala na iisa lamang ang “bagman,” pero sa pagpapatuloy ng kanilang pangangalap ng impormasyon ay nadagdagan ito.
Gayunman, tumanggi si Lacson na pangalanan ang mga sinasabing “bagman” at hindi rin niya isiniwalat ang kanilang sinasabing papel sa mga proyekto.
Ibinunyag din ni Lacson na may ilang indibidwal na kusang lumapit sa kanyang kampo para magbigay ng impormasyon matapos niyang ilantad ang umano’y mga iregularidad sa mga proyekto sa Taguig.
Aniya, patuloy pa ring sinusuri at bineberipika ng kanyang grupo ang mga natatanggap na impormasyon.
Sinabi rin ni Lacson na pinag-aaralan niyang direktang isumite sa Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang kanilang makakalap sa halip na idaan muna sa Senate Blue Ribbon Committee, dahil naniniwala siyang mas mapapabilis ang proseso ng imbestigasyon.
Samantala, una nang mariing itinanggi ni Cayetano ang paratang na may ghost projects sa Taguig at hinamon si Lacson na maglabas ng matibay na ebidensya para patunayan ang kanyang mga alegasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion