SP Gatchalian
Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na ginagawa ng Senado ang lahat ng hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga senador, lalo na ni Senadora Risa Hontiveros, matapos itong makatanggap ng mga banta sa kanyang buhay sa social media.
Ayon kay Gatchalian, nakababahala ang mga ulat ng pagbabanta at hindi dapat ito maranasan ng mga mambabatas habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Sinabi rin ng Senate President na nakikipag-ugnayan na ang Senado sa mga intelligence agency para matukoy ang pinagmulan ng mga banta at mabigyan ng kaukulang seguridad at proteksyon ang mga senador, partikular si Hontiveros.
Kasabay nito, tiniyak ni Gatchalian sa publiko na ligtas at maayos ang seguridad para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) sa Lunes at nagpapatuloy ang koordinasyon ng Senado sa mga kinauukulang ahensya.
Samantala, kinondena ni Hontiveros ang sunod-sunod na death threats at mga komento sa social media na umano’y naghihikayat ng karahasan matapos ang pagkamatay ng vlogger na si Mima Alicia.
Ayon sa senadora, may mga nagbabanta na siya naman ang “susunod.”
Sinabi ni Hontiveros na seryoso nilang tinatrato ang mga naturang pagbabanta.
Aniya, regular na binubura at inirereport ng kanyang mga tauhan ang mga mapanganib na komento sa Facebook, at naisumite na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pangalan at screenshots ng daan-daang Facebook users na nagbanta sa kanyang buhay.
Nanawagan din ang senadora sa mga social media platform at mga law enforcement agency na kumilos laban sa lumalalang kultura ng pagbabanta at karahasan sa online platforms.
Binigyang-diin ni Hontiveros na hindi dapat maging normal ang pagbabanta sa buhay ng sinuman at dapat manaig ang respeto sa kabila ng magkakaibang pananaw sa pulitika. | ulat ni Nimfa Asuncion