Pinuri ni Senador Loren Legarda ang pagpirma sa Republic Act No. 12321 o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDA Schools Act, na layong mapalapit ang dekalidad na edukasyon sa mga batang nakatira sa mga liblib at mahihirap na komunidad.
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang Department of Education (DepEd) na tiyaking may paaralan sa loob ng tatlong kilometrong lakarin mula sa tirahan ng mga mag-aaral o magbigay ng ligtas na transportasyon kung kinakailangan.
Nakapaloob din sa batas ang mas maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang mabigyan ng kalsada, kuryente, internet, at iba pang pangunahing serbisyo ang mga last-mile schools, pati dagdag na suporta at benepisyo para sa mga gurong nakatalaga sa mga ito.
Ayon kay Legarda, hindi dapat maging hadlang ang layo, kahirapan, at kakulangan sa imprastraktura sa karapatan ng bawat batang Pilipino na makatanggap ng dekalidad na edukasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion